Wikang Kastila sa Pilipinas

datos tungkol sa wikang Kastilà sa Filipinas
(Idinirekta mula sa Wikang Espanyol sa Filipinas)

Ang Wikang Kastila ay ang opisyal na wika ng Pilipinas noong simula ng pamumuno ng mga Kastila noong mga huling bahagi ng ika-16 na siglo, hanggang sa pagtatapos ng Digmaang Kastila-Amerikano noong 1898. Nanatili ito, kasama ng Ingles, bilang de facto at opisyal na wika hanggang sa inalis ito noong 1973 sa pamamagitan ng pagbabago sa saligang-batas. Matapos ang ilang buwan, muli itong itinalaga bilang opisyal na wika sa pamamagitan ng isang atas ng pangulo at nanatiling opisyal hanggang 1987, nang inalis ng kasalukuyang saligang-batas ang opisyal nitong katayuan, at itinalaga na lamang ito bilang isang opsiyonal o hindi sapilitang wika.[1][2]

Ang wikang Kastila ay naging wika ng pamahalaan, edukasyon, at kalakalan noong buong panahon ng pananakop ng mga Kastila, at nagsilbi pa bilang lingua franca hanggang sa unang gitnang bahagi ng ika-20 siglo.[3] Ang wikang Kastila ang opisyal na wika ng Republikang Malolos, "sa ngayon", ayon sa Saligang Batas ng Malolos ng 1899.[4] Ang wikang Kastila rin ang opisyal na wika ng Republikang Kantonal ng Negros ng 1898 at ng Republika ng Zamboanga ng 1899.[5]

Noong unang bahagi ng pangangasiwa ng Estados Unidos sa mga Kapuluan ng Pilipinas, ang wikang Kastila ay malawak na sinasalita at matamáng napanatili sa buong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.[3][6][7] Gayunpaman, ang wikang Kastila ang ginamit ng mga kilalang tao sa Pilipinas mula kina Trinidad Hermenegildo Pardo de Tavera y Gorricho hanggang sa Pangulo na si Sergio Osmeña at ang kanyang kahalili na si Pangulong Manuel Roxas. Bilang senador, si Manuel L. Quezon (kinalauna'y naging pangulo) ay nagbigay ng kanyang talumpati noong dekada ng 1920 na pinamagatang "Mensahe sa Aking mga Mamamayan" (Message to My People) sa wikang Ingles at Kastila.[8]

Nanatiling opisyal na wika ang Kastila hanggang sa ipinatupad ang isang bagong saligang-batas noong 17 Enero 1973, na nagtatakda sa Ingles at Pilipino, na binaybay sa kopya ng konstitusyon sa letrang "P" sa halip na ang mas modernong "F", bilang mga opisyal na wika. Hindi nagtagal makalipas noon, sa bisa ng Proklamasyon ng Pangulo Bilang 155 na may petsang 15 Marso 1973, iniutos na ipagpatuloy na kilalanin ang wikang Kastila bilang opisyal na wika, hangga't ang mga kasulatan ng pamahalaan sa wikang iyon ay nananatiling hindi naisasalin. Isang bagong saligang-batas na pinagtibay noong 1987 ang nagtakda sa Filipino at Ingles bilang mga opisyal na wika.[1] Bukod pa rito, sa ilalim ng Saligang-Batas na ito, itinatalaga ang wikang Kastila, kasama ang wikang Arabe, bilang kusa at opsiyonal na wika.[2]

May ilang libong mga hiram na salita mula sa Kastila ang nasa 170 mga katutubong wika sa Pilipinas, at naimpluwensiyahan ng alpabetong Kastila ang paraan ng pagbaybay na ginagamit sa pagsusulat ng karamihan sa mga wikang ito.[9] Ayon sa senso ng Pilipinas noong 1990, may 2,660 mga katutubong mananalita ng wikang Kastila sa Pilipinas.[10] Noong 2013, mayroon ding 3,325 mga naninirahang Kastila.[11] Gayunpaman, may 439,000 mananalita ng wikang Kastila na may katutubong kaalaman,[12] na 0.5% lamang ng kabuuang populasyon (92,337,852 noong senso ng 2010).[13] Noong 1998, may 1.8 milyong nagsasalita ng wikang Kastila kasama ang mga nagsasalita nito bilang kanilang pangalawang wika.[14]

Dagdag dito, tinatayang nasa 1,200,000 tao ang nagsasalita ng Chavacano, isang creole na batay sa wikang Kastila.[14] Noong 2010, tinaya ng Instituto Cervantes de Manila na ang bilang mga nagsasalita ng wikang Kastila sa Pilipinas ay nasa tatlong milyon, na sumasakop maging sa mga katutubo at di-katutubong nagsasalita ng Chavacano at Kastila, dahil may mga Pilipinong nakapagsasalita ng wikang Kastila at Chavacano bilang kanilang pangalawa, pangatlo, o pang-apat na wika.[15]

Kolonisasyong Kastila

Nagsimulang maging isa sa mga wika ng kapuluan ang Kastila noong 1565, nang itatag ng manlalakbay na si Miguel López de Legazpi ang unang paninirahan sa Cebú.

Noong una, opsiyonal at hindi sapilitan ang pagtuturo ng wikang Kastila. Tulad sa kontinente ng Amerikas, nagsermon ang mga pari sa mga katutubo sa mga wikang lokal.

Noong 1593, itinatag sa kapuluan ang kauna-unahang palimbagan. Malaking bahagi ng kasaysayang kolonyal ng kapuluan ay nakasulat sa wikang Kastila. Marami pa ring mga titulo ng lupa, kontrata, diyaryo, at panitikan ang nakasulat sa wikang Kastila.

Binuksan noon 1611 ang Universidad de Santo Tomás, ang kauna-unahang institusyong pang-edukasyon. Noong 1863, ipinagutos ni Reyna Isabel II ng Espanya ang pagtatag ng isang sistemang paaralang pampubliko sa kapuluan.

Impluwensiya sa Tagalog at iba pang mga Wika

May higit-kumulang na 4000 salitang Kastila sa Tagalog, at mga 6000 sa Bisaya at iba pang mga wika. Marami pa rin ang gumagamit hanggang sa ngayon ng sistemang bilangan, kalendaryo, oras, atbp. ng Kastila. Nakapreserba sa Tagalog at iba pang mga lokal na wika ang maraming makalumang salita o anyo ng mga salitang Kastila tulad ng sabon (jabón, kung saan binibigkas ang j nang parang /sh/, tulad ng sa medyebal na Espanya), relos (reloj, ganon ulit, gamit ang medyebal na Kastila na j), kwarta (cuarta), atbp. Kadalasan ang talasalitaan ay nasa pangmaramihan na bilang (plural form), tulad ng butones (boton), sibuyas (cebolla), uhales (ojal), manggas (manga) atbp.

Sa Cavite, at lalo na sa Zamboanga, sinasalita ang Chavacano, isang creole ng Kastila.

Mga sanggunian

Tingnan din

Mga kawing panlabas