Pandesal

uri ng tinapay sa Pilipinas

Ang pandesal (Kastila: pan de sal, lit. "tinapay na may asin") ay isang tinapay sa Pilipinas na karaniwang kinakain sa almusal.[1][2][3] Gawa ito sa harina, pampaalsa, asukal, mantika, at asin.[4][5]

Pandesal
Mga maiinit na pandesal na kadalasang pinapares sa kape para sa almusal
Ibang tawagPan de sal
UriTinapay
KursoAlmusal
LugarPilipinas
Pangunahing SangkapHarina, pampaalsa, asukal, asin, mantika

Paglalarawan

Sikat na tinapay sa Pilipinas ang pandesal. Ang mga indibidwal na piraso ay hinuhubog na maging mahahaba at malabaston, at iginugulong sa mga dinurog na tinapay. Pagkatapos, hinahati, pinapaalsa, at niluluto sa hurno.

Kadalasan itong hinahain nang mainit at maaaring kainin nang mag-isa, o isawsaw sa kape, tsokolate, o gatas. Maaari rin itong palasahan ng mantikilya, margarin, keso, halaya, peanut butter, chocolate spread, o iba pang palaman kagaya ng itlog, sardinas at karne.

Kahawig ang lasa at tekstura nito sa pan de agua ng Puerto Rico, baguette ng Pransiya, at bolillos ng Mexico. Salungat sa pangalan nito, medyo matamis ang pandesal sa halip na maalat. Sa umaga gumagawa ng pandesal ang karamihan ng mga panaderya bilang pang-almusal, pero buong araw gumagawa ng pandesal ang mga iba.[6][7]

Mga uri

Ang ibang pandesal sa mga supermarket at panaderya ay di-gaano magaspang at mas maputi. Wari bang mas marami ang asukal nito kaysa sa tradisyonal na pandesal na may 1.75% asukal lamang.[8]

Sa Isla ng Siargao, mayroong pandesal na hugis-itlog na tinatawag na "pan de surf" dahil kahawig nito ang isang surfboard. Sikat ito katulad ng mga surfing spot. Niluluto ito sa mga hurno na pinapagana ng bunot ng niyog, at kadalasan ibinebenta kasama ng pan de coco.[9][10]

Minsan hinahalo ang pinatuyo at tinadtad na malunggay sa harina para maging mas masustansya; tinatawag itong "malunggay pandesal" o "malunggay bread".[8] Isang sikat na bagong uri ng pandesal ang ube cheese pandesal, na may ube at palamang keso. Kulay-lila ito katulad ng mga ibang pagkaing may ube.[11] Kasama sa iba pang mga kontemporaryong uri ang lasang tsokolate, matcha, istoberi at blueberry.[8]

Kasaysayan

Ang pasimula ng pandesal ay pan de suelo ("tinapay sa sahig"), isang lokal na Espanyol-Pilipinong uri ng baguette ng Pransiya na iniluto sa sahig ng pugon. Gawa ito sa harinang trigo at mas matigas at masgaspang ito kaysa sa pandesal. Dahil hindi katutubong gawa ang trigo sa Pilipinas, lumipat ang mga panadero sa paggamit ng mas mura ngunit mas mababang uri ng harina, kaya mas malambot at malamasa ang tekstura ng pandesal.[3][12]

Yumabong ang pandesal noong panahong Amerikano sa umpisa ng dekada 1900, kung kailan madaling kunin ang trigo mula sa Amerika. Mula noon, naging pangunahing tinpay ito pang-almusal sa Pilipinas.[3][13]

Nabawasan ang pagbeyk ng pandesal sa pugon dahil sa pambansang pagbabawal sa pagputol ng mga bakawan para sa gatong, at lumipat ang mga panandero sa paggamit ng hurnong ginagatungan ng gas.[8]

Galerya

Tingnan din

Mga sanggunian