Pananaig ng batas

Sitwasyong politikal kung saan ang lahat ng mamamayan ay nasa ilalim ng batas

Ang pananaig ng batas[2] (Ingles: rule of law) ay ang konseptong legal kung saan ang panuntunan ng batas ang nangingibabaw o nasusunod at di-dahil sa ito'y sadyang kapasiyahan o kagustuhan lamang ng opisyal ng pamahalaan. Pangunahing tinutukoy nito ang impluwensiya at awtoridad ng batas sa isang lipunan, partikular na bilang limitasyon na rin sa pag-aasal ng mga opisyal ng pamahalaan.[3] Unang ginamit ang naturang parirala noong mga ika-16 na dantaon, at pinasikat noong ika-19 na dantaon ng isang Briton na jurist na si A. V. Dicey. Pamilyar na ang konsepto sa mga sinaunang pilosopo gaya ni Aristotle, na nagsulát na ang "Batas ang dapat mamahala".[4]

Isang mosaic na kumakatawan sa panghukuman at tagapagbatas na aspekto ng batas. Tangan-tangan ng babae ang isang espada upang parusahan ang may salà at dahon ng palma upang gantimpalaan ang karapat-dapat. Ang sinag sa kaniyang ulo, at ang aegis ni Minerva ay kumakatawan sa baluti ng pagkamakatarungan at karunungan.[1]

Ipinahihiwatig ng pananaig ng batas na ang bawat mamamayan ay saklaw nito, pati na rin ang gumagawa ng batas. Sa ganitong dahilan, naitatangì ito sa isang awtokrasya, kolektibong pamumuno, diktadura, oligarkiya, na kung saan hindi karaniwang nasasaklaw ng batas ang mga namamahala (hindi nangangahulugan, ngunit tipikal lamang). Ang kawalan ng pananaig ng batas ay makikita sa mga demokrasya at diktadura, at maaaring mangyari dahil sa kapabayaan o kamangmangan sa batas, katiwalian, o kawalan ng mekanismo upang maituwid ang pang-aabuso sa pamamahala, gaya ng: isang malayang hukuman na may kultura ng pananaig-ng-batas; isang praktikal na karapatang magpetisyon upang ilahad ang mga karaingan; o halalan.

Mga sanggunian