Kalamansi

espesye ng halaman

Ang kalamansi[2] (Citrus × microcarpa)[3], kalamunding[4], o aldonisis[5] ay hibridong sitrus na may kahalagahang pang-ekonomiya na karaniwang itinatanim sa Pilipinas. Katutubo ito sa Pilipinas, Borneo, Sumatra, at Sulawesi (Indonesya, Malaysia, at Brunei) sa Timog-silangang Asya; pati na rin sa timog Tsina at Taiwan sa Silangang Asya. Malaganap ang kalamansi sa tradisyonal na lutuing Pilipino. Napakaasim nito at ginagamit sa mga samu't saring kondimento, inumin, putahe, timpla, at minatamis. Ginagamit din ang kalamansi bilang sangkap sa mga lutuing Malay at Indones.

Kalamansi
Citrus × microcarpa
Klasipikasyong pang-agham
Kaharian:
(walang ranggo):
(walang ranggo):
(walang ranggo):
Orden:
Pamilya:
Sari:
Espesye:
C. microcarpa
Pangalang binomial
Citrus × microcarpa
(Bunge) Wijnands[1]
Kasingkahulugan

Citrus mitis

Isang hibirdo ang kalamansi ng kumquat (na dating itinuring bilang bahagi ng hiwalay na sari, Fortunella) at isa pang espesye ng Citrus (marahil ang dalanghita).[6]

Papangalan

Kalamansing inilarawan ni Blanco, mula sa Flora de Filipinas (1837)
Puno ng kalamansi na may prutas

Kalamansi (o calamansi sa Ingles) ang pinakakilalang pangalan ng prutas na ito sa Pilipinas. Sa ilang bahagi ng Estados Unidos (lalo na ang Florida), kilala rin ang kalamansi sa pangalang calamondin, isang lumang pangalan mula sa panahong Amerikano ng Pilipinas. Ito ang iningles na anyo ng kalamunding.[7][8]

Dati, nakilala ang kalamansi sa mga siyentipikong pangalang Citrus mitis Blanco, C. microcarpa Bunge o C. madurensis Lour.; tinutukoy ito ng lahat bilang sitrus. Sa sistemang pag-uuri ng sitrus ni Swingle, nasa ibang sari ang mga kumquat sa ibang sari, Fortunella, na ginagawang hibiridong interheneriko ang kalamansi, at noong 1975 binigyan ito ng hibridong pangalan × Citrofortunella mitis ni John Ingram at Harold E. Moore batay sa pangalang pang-espesye ni Blanco,[9] ngunit noong 1984, ipinaliwanag ni D. Onno Wijnands na nauna ang pangalang pang-espesye ni Bunge, C. microcarpa (1832), ang Citrus mitis (1837) ni Blanco, kaya × Citrofortunella microcarpa ang wastong pangalan.[10] Inilalagay ngayon ng pagsusuring pilohenetiko ang kumquat sa parehong sari ng mga ibang sitrus, kaya lahat ng mga hibrido nito, kagaya ng mga dating ipinangalang × Citrofortunella ay kabilang din sa Citrus.[3]

Paggamit

Pagluluto

Ginagamit ang kalamansi kapag bahagyang hinog ito kasama ng toyo, suka, at/o siling labuyo bilang bahagi ng mga pinakamalaganap na sawsawan sa lutuing Pilipino, kagaya ng siomai

Maasim ang mga prutas na ito at kadalasang ginagamit sa pagpepreserba o pagluluto ng pagkain. Nagbubunga ang kalamansi ng maliit na sitrus na ginagamit bilang pampalasa sa mga pagkain at inumin. Sa kabila nitong itsura at aroma, medyo maasim ang prutas mismo, ngunit matamis ang balat nito. Maaaring gumawa ng marmeladang kalamansi sa parehong paraan ng sa marmeladang kahel. May bitamina C ang prutas na ito.

Maaaring eladuhin ang buong prutas at gamitin bilang yelo sa mga inumin kagaya ng tsaa, soft drink, tubig, at kaktel. Maaaring gamitin ang katas nito bilang pamalit sa karaniwang limang Persa.[11]

Pilipinas

Kalamansi palamig mula sa Pilipinas

Sa lutuing Pilipino, ginagamit ang katas sa pagmamarinada at pagtitimpla ng isda, ibong labuyo at baboy. Sinasangkap din ito sa mga putahe kagaya ng sinigang at kinilaw. Karaniwan din itong ginagamit bilang kondimento sa mga pagkain kagaya ng pansit o lugaw, o sa sawsawan ng katas ng kalamansi, toyo (toyomansi) at patis (patismansi) na ginagamit sa isda, lumpiya, siomai at iba pang malinamnam na ulam. Ginagamit din ito sa samu't saring inumin, sa anyong kalamansi palamig, isang Pilipinong inumin na kahawig ng limonada.[12]

Sa mga ibang rehiyon

Malaysia at Singapura

Isang plato ng Singapurenseng hokkien mee, na may kasamang kalamansi

Sa Malaysia at Singapura, ipinapares ang prutas, na kilala bilang limau kasturi[13] sa Malay at small lime sa Ingles ng mga Malay at Singapurense, sa mga putahe sa mga hawker center at restoran. Nagiging paraan ito upang maibalanse ang mga malinamnam na putahe tulad ng mga pansit at estupado. Ibinebenta rin ang halaman bilang palamuti.

Mga sanggunian