Aklat ni Nahum

Lumang Tipan ng Bibliya

Ang Aklat ni Nahum[1][2][3] ay isang aklat na isinulat ng mga propeta na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Isinulat ito ng propetang si Nahum.[2][4] Sinasabi na kapag may katanungan ang isang tao ukol sa mga "malulupit na mga bansa," ito ang nararapat na aklat para basahin upang makatamo ng ilang mga kasagutan.[4]

May-akda, panahon, at paraan ng pagkakasulat

Walang sapat na nalalaman hinggil kay Nahum, bukod na lamang sa nanggaling siya sa Elcos, isang bayang pinaniniwalaang nasa Judea o kaya Galilea (may nagsasabing Galilea nga).[2][4] Namuhay ang propetang ito noong panahon ng pagkawasak ng Tebas o No-Amon, noong mga 663 BK (may nagsasabing noong panahon bago dumating ang pagbagsak ang Nineve, noong 612 BK).[2][4] Isinulat ito ni Nahum sa isang mabilis na pamamaraan na nagbubunyag ng kaniyang mahigpit na damdamin at dakilang damdamin sa kapangyarihan ng Diyos.[4]

Paglalarawan

Nilalarawan bilang isang "tula ng pagdiriwang" ang Aklat ni Nahum sapagkat tinatalakay nito ang pagbagsak ng Ninive, na siyang punong-lungsod ng Asiria. Matagal na kalaban ng Israel ang Ninive. Isang pagkakaroon ng katuparan ng paghahatol ng Diyos ang pagkagapi ng Ninive, na "isang malupit at mapagmataas na bansa". Nangyari ito noong magwawakas na ang ikapitong daantaon bago isilang si Kristo.[1] Tinalakay ang pangyayaring ito sa pamamagitan ng tatlong tula.[2]

Kahalagahan

Si Propeta Nahum.

May kahalagahan ang hula ni Nahum kaugnay ng pagbagsak ng lungsod ng Ninive sapagkat ito ang ulong-lungsod ng bansang Asiria, ang pinakamakapangyarihang imperyo sa mundo noong mga panahong iyon. Sa loob ng 300, nasakop ng mga Asirio ang lahat ng mga mamamayang nadaanan nila; bilang paglalarawan ng kanilang kapangyarihan, nilarawan silang parang mga leong tumutugis, naninila, at pumapaibabaw sa anumang bansa malapit sa Silangan.[3][4] At ang Ninive rin ang pinakagitna ng kalinangan ng Asiria, maging ng kaalaman, pagtuturo, at teknolohiya. Isang itong bayang may maunlad na mga kasangkapang pampananggalang sa mga kaway at napapaligiran ng matataas na mga pader. Ayon sa paliwanag, isang imperyo lamang ang Asiria, at isang bahagi lamang nito ang Ninive. Hindi makakatakas mula sa tunay na kapangyarihan - ang Diyos - maging ang isang imperyong tulad ng Asiria; hindi ito nakatakas ng walang-hangganan mula sa kanilang ginawang paghihimagsik laban sa Diyos.[3]

Mga sanggunian

Panlabas na kawing